Nandito na po tayo sa huling yugto ng ating kampanya.  Napakalaki na ng lamang natin. Patunay ito na ang taumbayan ang aking  tunay na lakas. Ang makatotohanang mensahe ang mangingibabaw.
Ang taong pinangakuan ngunit kinalimutan ay gising  na, at handa nang humusga sa mga lumimot sa kanila.
Hindi ko ninais magmana ng mga problemang iniwan ng  taong yumurak sa ating mga pangarap. Pinasok natin ang kampanyang ito ng  walang sapat na paghahanda, hindi tulad ng ating mga katunggali na  napag-aralan na ang kanilang mga kalaban. Pati ang aking mga kapatid na  humiling lang ng sandaling oras para masanay sa pagkawalay sa aming ina  ay hindi man lang nabigyan ng kakarampot na panahon at dumamay sa hirap  ng labang ito.
Sa harap ng mabibigat na tungkuling kusang loob kong  pinasan, dinamayan din ako ng taumbayan. Nakiisa kayo para ayusin ang  ating mga problema. Dahil nandiyan kayo, kasama ng gabay ng Diyos,  malapit na ang liwanag.
Maraming dapat ituwid, at marami ding balakid. Hindi  magiging madali ang ating pagdadaanan.
Sa pagpapatuloy ng pagtutulungang ating pinamalas  nitong mga nakaraang buwan, paano namang hindi magiging mabilis ang  pagbabago?
Aabante ba tayo kung may sumasagwan nang paatras, o  may hindi man lang sumasagwan? Hindi ba’t mas matulin ang pagbabago kung  ang pagsagwan ay sabay sabay tungo sa iisang direksyon lamang?
Lumiliwanag na. Mga ilang hakbang na lang, maliwanag  na maliwanag na ang ating hinaharap.
Sa yugtong ito ng kampanya, dapat hindi natin  makalimutan kung sino ang sa simula pa lamang ay katuwang na natin sa  pagtahak ng landas na tuwid, at tunay na may malasakit sa atin.
Ang problemang hinaharap natin ay dulot ng  pangingibabaw ng pansariling interes laban sa nakabubuti para sa  nakararami. Ang pagkawalang bahala sa sariling interes na isinasabuhay  ni Mar Roxas sa kanyang sakripisyo para sa bayan ang tanging solusyon sa  ating mga problema.
Noong una kong tinanggap ang hamong ito, damang-dama  ko ang aking pag-iisa. Ngunit nandiyan si Mar Roxas, karamay sa lahat,  sa hirap at sa ginhawa. Naging katuwang ko siya sa lahat ng pagsubok –  sa paninirang aking hinarap, sa pag-aayos ng aming kampanya, at sa  pagbabahagi ng aming mensahe sa inyong lahat. Hindi maipagkakaila na sa  matibay na samahan naming dalawa, naabot natin ang ating kinalalagyan.  Ang pinapasan ay gumaan dahil sa tunay naming samahan – samahang hindi  lamang pang billboard, pang poster o pang baller. Magkaramay kami sa  lahat ng pinagdaanan at pagdadaanan pa – tunay na kasangga – yan si Mar  Roxas! Sa pagtutulungan namin at ninyo, baka di tumagal, pati ang  kalaban ay sumali na rin sa atin.
Ang ating mga kasama sa SLAMAT LORRRD, malayang  pumili ng ibang partido ngunit sumama sila sa atin dahil sa paniniwala  na dito ang tamang laban tungo sa tuwid na landas. Piling-pili ang 12  ito. Hindi sila sumanib dahil sigurado silang mananalo, pero dahil sila  ay nanindigan. Ni minsan hindi nagreklamo, bagkus totoong pagdadamayan  ang ipinakita sa isa’t isa. Sa tunay na pagbabago, kailangan natin ang  mga taong tulad nila na nakatingin sa iba at hindi sa sarili.  Sinisigurado ko, interes ninyo ang pahahalagahan nila. Kaya’t ibuhos  natin ang ating suporta kina Sonia Roco, Gen. Danny Lim, Neric Acosta,  Dr. Martin Bautista, Alex Lacson, TG Guingona, Yasmin Busran-Lao, Serge  OsmeƱa, Ruffy Biazon, Ralph Recto, Risa Hontiveros at si Franklin  Drilon.

Wala tayong karapatang isugal ang kinabukasan ng mga  susunod na henerasyon.
Mahaba-haba na ang ating tinahak na pagsasakripisyo.  Ngayon pa ba tayo magrerelax, kung kailan malapit na tayo sa finish  line?  Malapit na ang tagumpay. Konti na lang ay tutungo na tayo sa  bukang liwayway, kung tayo ay hindi bibigay.
Magkapit-bisig tayo. Sa labang ito, walang maiiwan.  Magtulungan tayo upang ang tunay na boses ng sambayanan ang manaig, sa  gitna ng mga problema sa poll automation at posibleng dayaan sa darating  na halalan.
Kung manual counting ang solusyon, mag manual count  na tayo, kahit na mas matatagalan ang bilangan. Dapat matuloy ang  halalan sa ika-10 ng Mayo. Gutom na gutom ang taumbayan sa bagong  liderato.
Sama-sama po nating iwagayway ang bandila ng  pagbabago. Kung walang corrupt, walang mahirap. Mabuhay po kayong  tumatahak sa landas na tuwid, at nagtatakwil sa landas na baluktot.
Sa yugtong ito, hayaan ninyo akong magpasalamat. Ako  po si Noynoy Aquino, ordinaryong taong tulad ninyo – nangahas na tahakin  ang landas na tuwid. Hindi ko ito sana kakayanin kung hindi dahil sa  inyo – kayo ang aking tunay na lakas.
Sa unang pagkakataon, nais kong pasalamatan ang aking  mga kapatid at ang kanilang mga pamilya. Ni minsan, wala akong  kinailangang hilingin sa kanila, dahil ang lahat ng kailangang gawin ay  nagawa na nila – at patuloy silang naghahanap kung ano ang kanilang  maitutulong pa. Tinanggap nila ang lahat ng paninira at dinamayan ako sa  bawat yugto ng kampanyang ito. Mapalad ako at sila ang mga kapatid ko.  Suwerte kami at naturuan kaming mabuti ng aming mga magulang. Sana,  hindi ko na ulit hihilingin pa sa kanila na magbigay at magbigay pa, sa  panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Nagpapasalamat ako kay Mar Roxas at sa aming mga  kasamahan na dumamay sa gutom, ulan, init at panganib, dahil para sa  kanila, mas mahalaga ang nakakarami kaysa sa kanilang mga sarili.
Nagpapasalamat ako sa mga miyembro ng iba’t ibang mga  religious sectors, na pinatotoo ang kanilang pananampalataya, inaruga  ang kanilang kapwa, at ipinamalas ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan  ng kanilang halimbawa.
Sa aking mga kababayan na mayroong pang mahalagang  tungkuling kailangang gampanan sa susunod na yugto ng ating pakikibaka,  dapat ay mag-ibayo ang ating paninindigan.
Paalala, hindi pa tayo nanalo. Paalala, hindi pa  tiyak ang magandang kinabukasan. Paalala, tuloy pa ang laban.
Malamang lahat tayo matagal ng hindi nangahas na  mangarap. Kayong lahat ngayon ay testigo na ang mga pangarap natin ay  malapit ng matupad. Umasa kayo sa harap ng Diyos, sa alaala ng aking mga  magulang, hindi ako titigil hangga’t hindi nagkakatotoo ang mabuting  landas na ating inaasam-asam.
Maraming salamat po at magandang gabi.





















0 comments:
Post a Comment
Please drop me a line: